
Lorenzo “Nelson” Diaz
Magtataho (Kawit, Cavite)
Hindi ako marunong mag-cellphone at Facebook kaya hindi ko alam yung community pantries. Nang bumili sa akin ng maraming taho yung ilang suki ko, dinagdagan ko lang talaga yung bigay ko. Tapos nalaman kong ipamimigay pala nila nang libre yung taho, kaya wala talagang problema kung dadamihan ko pa ito. Hindi ko inaasahan na magvi-viral yung pagbibigay ko ng taho sa community pantry dahil napaka-ordinaryo lang naman nung ginawa ko na iyon.
Pero nagpapasalamat ako kasi marami akong natanggap na donasyon dahil dito. Bukod sa pera, nakatanggap pa ako ng gulay, bigas, at iba pang pagkain. Yung iba, pinamigay ko rin kasi hindi ko naman mauubos lahat yun. Pag nakakakita ako ng mga pulubi sa kalye, binibigyan ko rin ng taho. Tulong ko iyon para magkalaman din ang tiyan nila. 35 years na akong magtataho kaya gusto ko rin tumulong sa iba. Natutuwa ako kapag alam kong nakakatulong ako.

